Ito ang ulat ko sa taong ito na magtatapos. Ito
ang mga bagay na napanood ko pero hindi ko nasaksihan.
Nang bumisita si Pope Francis (na minura ni
Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa trapik na tulad din ng sa APEC), nais
ko sanang tanungin sa kanya iyong tanong na itinanong din ng isang bata. Kung
may Diyos, bakit Niya tayo pinababayaan?
Pinabayaan nga ba ng Diyos na mamatay ang SAF
44? Habang iniisip ko ang nangyari sa kanila ay iniisip ko rin kung lahat ba ng
namamatay sa bala ay nagiging bayani tulad na lamang ni Jose Rizal na
ipinagdiriwang ang kanyang kamatayan sa araw na ito? Ipagdiwang din kaya ang
kamatayan ko?
Sa pagtatanong ko ay naluluha ako. Ang mga luha
kong dumadausdos sa aking pisngi at mga labi ay tila lason na inihalo sa Milk
Tea. Hindi pa ako nakakatikim nito pero nang may mamatay dahil dito ngayong
taon ay parang ayoko na.
Nang matalo si Pacquiao kay Mayweather,
napaisip nga ako. Magkakaroon pa kaya ng rematch? Ng second chance? Ako kasi
gusto ko rin ng second chance. Kapag ako nabigyan ng second chance, tutuparin
ko na talaga lahat ng New Year's resolution na ginawa ko noong mga nakaraang
taon pa.
Marami akong pangarap tulad ng gusto kong
makita sa TV. Gusto kong sumikat tulad ng El Gamma Penumbra sa Asia's Got
Talent. Kahit anino lang ang makita sa akin, ok na! O kaya ay gumawa ng
sariling video tulad ng Pabebe Girls! O kaya ay mag-dubsmash para ma-discover
ng GMA sa tamang panahon? O kaya ay gumawa ng pastillas para ma-discover naman
ng ABS-CBN? O kaya man lang ay maging ekstra sa isang pelikula sa MMFF? O kaya
ay gumawa ng kung anumang world record tulad ng Felix Manalo na nagkamit ng
pinakamaraming audience for a screening and for premiere?
O kaya ay makiisa sa mga makabayang adhikain
tulad ng panggigisa kay Vice President Jejomar Binay, makakakuha ng
pinakamataas na GWA tulad ng isang estudyante sa UP na nakakuha nga ng
pinakamataas na GWA since World War II? Pangarap ko lang na kapag ako
nagtalumpati ay hindi ako paupuin kapag binatikos ko ang sistemang namamayani
sa paaralan at pamahalaan. At sana rin pwede akong mag-hover board habang
nagtatalumpati at hindi awayin tulad ng isang paring nag-hover board.
Sumikat naman ako pero sa maling paraan. Minsan
gusto kong tanungin ang estatawa ni Rizal sa Luneta. Sumikat ka ba dahil
namatay ka? Hanggang kailan sikat ang mga namatay? Ang mga namatay ba ay
katulad ni Rizal na gagawan ng rebulto para manatiling buhay sa ating gunita o
katulad lamang ng isang Torre de Manila na isang photo bomber na pilit umaagaw
ng atensyon pero kahit anong gawin ay nasa likod pa rin at handang alisin?
Gaya bang gawing posible ang mga imposible
tulad ng buhayin ang mga namatay na minamahal? Ang pagbuhay ba sa mga namatay
na minamahal ay kaya ring gawin tulad nga ng nagawang aprubahan ang same-sex
marriage sa America? O pwede man ba sanang i-postponed ang kamatayan tulad ng
kay Mary Jane Veloso? Sana ganito ang nangyari sa Paris. Sana ganito ang
nangyari kay Joselito Zapanta, isang OFW sa Saudi na pinugutan.
Napaparusahan ba talaga ang mga nagkasala tulad
ni Janet Lim-Napoles na naparusahan ng reclusion perpetua at ni Pemberton na
napatunayang guilty sa pagpatay kay Jennifer Laude.
Nangangapit ako sa pananalig kong posible pang
mahanap ang hinahanap ko pa rin at ng pamilya ko, tulad ng may pananalig akong
maaayos ang pagkahati ng Iglesia ni Cristo, ng pananalig ko sa mga kandidato,
ng pananalig ko sa pangako ng tuwad este tuwid na daan ni PNoy, ng pananalig ko
sa isang mapayapa at maunlad na 2016 mula sa isang matapat na eleksyon!
Matutulad na lang ba ako kay Pamana na pinalaya
sa mundo upang tumuklas at maglakbay pero mababaril na lamang at hindi
matatagpuan ang kumitil? Dahil nga sa naramdaman ko na ang mawala sa piling ng
minamahal ay naramdaman ko rin ang poot at pighati ng mga Lumad. Gusto kong
sumigaw ng punyeta tulad ni Heneral Luna!
Magpapagala-gala na lamang ba ang kaluluwa ng
mga namatay na walang katarungan tulad ni Jirio Manio sa NAIA? Maghihintay na
lamang ba sila sa limos na hustisya, maghihintay tulad ng isang roller coaster
sa Olongapo?
Pwede bang ulitin ang buhay tulad ng naulit ang
pagkapanalo ng Pilipinas sa Miss Earth sa magkasunod na taon?
Maaari bang malaglag ang bala mula sa balat na
tinamaan nito tulad ng mga nalalaglag na bala sa airport?
Kailan nga ba ang tamang panahon tulad ng sa
AlDub (na may pinakaraming tweets at pinaka-box office) para hanapin ang
hinahanap ko at ng pamilya ko? Para bang naghahanap kami ng mga nawawalang
kapamilya tulad ni Senadora Grace Poe? Maghihintay na lamang ba kami nang matagal
tulad ng ginawa ng Pilipinas sa Miss Universe nang sa wakas may manalo ulit
(controversially) after ilang dekada? Maghihintay tulad ni Pia Wurtzbach after
several trials ng pagsali?
Pero ika nga ni Alma Moreno, dasal lang. Sa
bawat kalungkutan at kamatayan ay may kasiyahan at buhay, tulad ng kasal at
anak ni Marian Rivera. Sana ay gumaling ang pisikal na sugat at maging ang
emosyonal, tulad lamang ng dengue na sa wakas tayo pala ang unang makakagamit
ng kauna-unahang bakuna!
Nangyari na ang lahat ng ito subalit hindi ko
pa rin nayayakap ang aking nanay, ang aking kapatid. Nangyari na ang lahat ng
ito pero hindi pa rin namin mahanap ang nagpakawala ng kamatayan sa akin.
Isang ligaw na bala. Ang kasiyahan at
katangahan mo, kapalit ay buhay at pangarap ko.
No comments:
Post a Comment