Sunday, December 13, 2015

Mapu[t]la

Maagang bumangon si Tony. Itinupi niya agad ang kanyang kumot at iniligpit ang unan at higaan.

Madaling-araw pa lamang at tulog pa ang kanyang nanay at kapatid. Nauna siya ngayong nagising sa nanay niya.

Agad siyang nagsalang ng sinaing na ang tubig ay sinukat pa niya gamit ang kanyang daliri. Habang nasa apoy ang sinaing ay sinimulan namang paghiwalayin ni Tony ang mga puting damit at de kolor. Matapos ay ibinabad na ni Tony ang puti.

Kasabay rin nito ay naghanda na si Tony ng ipapakain sa kanilang dalawang asong nakakulong sa labas. Madalas mag-away ang dalawang ito. Dahil dito ay itinatali nila ang mga ito sa magkahiwalay subalit magkalapit na dako ng kanilang bakuran. Sayang kasi ang pagkain kapag natatapon lamang dahil sa nasasagi ng mga ito sa kanilang pag-aaway.

Naitali na ni Tony ang mga aso nang maalala niyang dapat hinaan na ang apoy ng sinaing. Mahirap na at baka masunog ito tulad ng dati. Tinanggal niya ang takip ng saingan at nang makitang tila kulang sa tubig ang sinaing ay nagdagdag siya mula sa kanilang gripo.

Nang mahina na ang apoy ay nagsalang naman ng pagpiprituhan si Tony sa isa pang kalan. Madalas ay nilalakasan niya ang apoy upang madaling uminit ang mantika subalit sabi ng nanay niya ay hindi raw dapat dahil hindi raw naluluto ang loob ng ipiprito kapag ganito. Mas madali raw maluluto kapag katamtaman ang lakas ng apoy at hinintay na uminit ang mantika.

Ganito nga ang ginawa ni Tony at naglabas siya ng tatlong itlog at anim na hotdog mula sa ref. Nang makitang wala na halos laman ang isa nilang pitsel ay nilagyan niya ito ng tubig mula sa kanilang galon.

Isang itlog sa bawat isa sa kanila at tigdadalawa namang hotdog para sa kanilang tatlo. Ganito ang agahan nila madalas.

Habang naghihintay sa pag-init ng mantika ay inurong muna ni Tony ang washing machine palabas ng kanilang bahay. Sa labas kasi sila naglalaba para deretso na ang sampay at gayong may gripo naman din sila sa labas. Inilagay niya sa isang basahan ang washing machine upang hindi nito magasgasan ang kanilang tiles na sahig.

Itinulak niya ito kahit mahirap. Nag-ingat siya at baka masagasaan nito ang mga paa ng natutulog pa niyang nanay at kapatid.

Nang mailabas niya ito at pabalik na siya ay gising na ang kanyang nanay na nagtutupi na rin ng kumot niya. Binalikan ni Tony ang kanyang nakasalang. Binasag niya ang mga itlog. Madaling naluto ang mga ito. Paborito niya ang pula ng itlog subalit kahit paano ay kinakain na rin niya ang puti. Dati kasi ay hindi. Isinunod ni Tony ang mga hotdog. Pinaghiwalay naman ni Tony ang mga batch ng mga damit, kung paano ang pagkakasunod-sunod ng mga ito sa pagsalang sa washing machine. Inipon niya ang lahat ng damit na marumi at maging ang mga basahan ay papalitan na rin nila. Isinama na rin niya ang itiniklop lang nila kaninang mga kumot. Maging ang mga kurtina ay pinitas niya na para malabhan. 

Kumakain na ang kanyang nanay at ito ang nagpaalala sa kanyang dapat na niyang patayin ang apoy ng sinaing. Tiyak naman din ni Tony na maliligo ang nanay matapos kumain.

Naglagay na ng tubig at pulbos na panlaba si Tony sa washing machine. Naglagay na rin siya ng mga tubig sa mga balde at palangganang pagbabanlawan. Nagsimula na siyang maglaba. Naroon na habang umiikot ang washing machine ay nagbabanlaw naman siya ng mga damit. Matindi ang kanyang pagpiga. Limang banlaw bago ibabad ang mga ito sa palangganang may tubig at may fabric conditioner na halo. Matapos nito ay isasampay.

Dahil kaunti ang damit at noon ay Lunes gayong Sabado sila naglalaba, patapos na si Tony nang aalis na ang kanyang nanay na mabilis kumain at maligo. Sa gitna ng paglalaba ay nagamit ni Tony ang mga marumi nang pinagbanlawan upang linisin ang dumi at ihi ng mga aso na winalis niya rin ng walis-tingting. Sa gitna ng paglalaba ay ibinigay na rin ni Tony ang mga bote ng mantika, ketchup, at softdrinks sa isang batang madalas kumolekta naman ito sa kanila.

Pasikat na ang araw nang matapos si Tony. Mga kumot na lamang ang nakasalang sa fabric conditioner at matapos ay ang mga kurtina at matapos ay ang basahan. Nilinis na ni Tony at naibalik na sa lugar nito ang washing machine at matapos ay isinampay na rin niya ang mga nabanggit pagkatapos padaanin sa palangganang may fabric conditioner.

Saglit muna siyang bumalik sa kusina upang kunin ang pagkaing tinakpan niya upang hindi kainin ng mga pusa. Binigyan na rin niya ang mga ito ng pagkain. Sa puntong ito ay ang kapatid naman niya ang gising na. Naabutan niya itong kumakain, nakakamay. Naghugas na siya ng kamay upang saluhan ito.

Matapos kumain ay naligo na ang kapatid. Matagal itong maligo kaya naman ang inatupag muna ni Tony ay ang paglilinis sa mga tokador at kabinet na nasa harap ng kanilang sofa. Gamit ang isang pinigang basahan ay sinaid ni Tony ang alikabok ng mga tokador at kabinet, ng mga libro, ng mga picture frame, ng mga CD, ng TV. Nagtapon na rin si Tony ng maraming mga scratch paper, mga babasahin na hindi na gagamitin, at mga burloloy na nagpapasikip lamang sa tokador.

Dahil sa nalaglag ang mga alikabok ay doon lamang naisip ni Tony na magwalis na. Winalis niya ang mga sulok, ang ilalim ng sofa, ang ilalim ng tokador, ang mga kwarto nila ng kapatid niya na naging bodega na dahil sa dami ng gamit na binibili ng pamilya nila. Naglampaso na rin si Tony ng sahig gamit ang mop na binasa niya.

Matagal ang paglilinis na ito, sakto sa paglabas ng kapatid niya mula sa banyo. Matapos kasi nito ay ang banyo naman ang kanyang lilinisin. Isinabay na rin niya rito ang paglilinis sa tatlong electric fan nila.

Bihis at paalis na papuntang trabaho ang kapatid niya nang ihanda na ni Tony ang mga gagamitin sa pagpapaligo ng mga aso.

Matapos magpaligo ng aso ay naglinis naman si Tony ng mga sapatos niya. Naghugas na rin siya ng mga pinggan, ng mga kubyertos, ng mga baso, ng mga kutsilyo.

Nang matapos sa mga paglilinis ay natulog muna sa sofa si Tony habang hinihintay na matuyo ang mga damit na nakasampay gayong tirik naman ang araw.

Isa o dalawang oras pagkatapos ay gumising siya upang sungkitin na ang mga tuyong damit. Saglit siyang lumabas upang mag-facebook sa isang computer shop at matapos ay magpagupit ng buhok.

Alas kwatro ang dating ng kanyang nanay at noon ay alas tres na. Maaga niya nang pinakain ang mga aso at mga pusa. Maaga na rin niyang nilinis ang litter box ng mga pusa.

Pagkatapos sa mga ito ay nagtext na siya sa kanyang nanay. Pag-uwi raw nito ay may sorpresa siya rito. Pag-uwi raw nito ay may dala siyang mabuting balita.

Kumain na ulit si Tony. Nagluto na lang ulit ng mga hotdog.

Naligo na si Tony pagkatapos. Panay ang kuskos niya sa sarili, tila tinatanggal lahat ng libag at dumi sa katawan. Panay rin ang kamot niya sa ulo sa pagdampi ng shampoo sa buhok. Naggupit na rin siya ng mga kuko. Hindi na niya kinakagat ang mga kuko gaya ng dati gayong natutunan na niyang gumamit ng nailcutter. Naglinis rin siya ng tenga at nagpabango pa. Aba at nag-gel pa si Tony.

Saka lamang siya nagbihis pagkatapos ng mga ito. Isinuot niya ang kanyang puting long sleeves at ang kanyang slocks. Ngumiti siya sa salamin. Matapos ay nagsuot na siya ng medyas at black shoes.

Ni-lock na ni Tony ang pinto at nagtungo sa dapat puntahan.

Nagsara si Tony ng pinto pero hindi siya umalis ng bahay.

Naglinis na nga si Tony ng sarili at ng bahay pero nang dumating ang kanyang nanay ay marumi siya at makalat ang bahay, marumi at makalat mula sa dugong umaapaw sa kanyang katawang sinaksak niya mismo ng kutsilyo.

No comments:

Post a Comment