Hindi ko alam kung ano
ang nasa itaas subalit kung ito man ay ang matabang matanda o ang payat na
lalaki o ang mga taong may pakpak o pawang mga tala lamang, nagtataka ako kung
bakit hindi ko pa rin sila kapiling.
Saan nga ba napupunta
ang mga katulad ko?
Hindi ito kasing dali
ng sagot sa bugtong na ano ang matangkad kapag nakaupo subalit maliit kapag
nakatayo. Hindi rin ito kasing dali ng paghahanap sa tinig ng taong una kong
napakinggang nagsabi nito.
Subalit tuwing
sumasapit ang Pasko ay nabibigyan ako ng pagkakataon na hanapin nga ang taong
iyon. Natutupad ang kahilingan ko at sa pamamagitan ng katuparan nito ay
nabibilang ko ang mga taong nagdaraan. Sa haba ng panahon ay marami na akong
natutunang mga salita at mga bagay.
Nagagawa kong gumala sa
mundo, parang malamig na simoy ng hangin na nararamdaman lamang pero hindi
nakikita. Subalit mabuti pa nga ang hangin at nararamdaman ako. Ako ay hindi na
nga nakikita, hindi pa nararamdaman-- lalo ng taong hinahanap ko.
Nagkalat ang mga balat
ng kendi at mga pudpod na upos na paputok sa aspaltong daan. Nakasaboy rin sa
lupa ang maraming mga gift wrapper na pinunit mula sa mga natapos na party.
Hindi man nakikita ay nangangamoy ang mga tira-tirang pagkain, ang mga panis,
at mga mumu, ng okasyon.
Nakasisilaw ang
Christmas lights na kumukutitap kasama ang mga parol, tila sumasabay sa mga
batang nangangaroling. Nakakainggit sila. Naroon din ang daluyong ng mga tao sa
mga mall at bumibili ng Christmas tree o ng mga ireregalo. Marami rin ang nasa
may simbahan at may ilan ding dinaragsa ang mga nilulutong kakanin at mga
litson.
Subalit hindi ako dapat
mawala sa aking tunay na hangarin-- ang hanapin siya.
Tulad ng dati ay
maraming nakaupo.
May mga magkakamag-anak
na nakaupo sa sofa at nanonood sa telebisyon. May iba namang nasa sinehan. May
iba namang nasa may damuhan at may nakalatag na tela upang magpiknik. May iba
namang nasa hapag-kainan at mahaba ang mesa. May iba namang pamilyang sa
kariton at sa karton nakaupo habang nagsasalo sa mga napulot.
Sa kabila namang dako
ay may mga batang nakaupo sa mga plastik na upuan para sa isang party. May ilan
namang nasa desk pa, nasa silid-aralan ng paaralan.
May iba na
nagpapadentista. May iba na nagpapagupit ng buhok.
May iba na nakaupo sa
loob ng taxi, sa tricycle, sa habal-habal, sa bisikleta, sa dyip, sa bus.
May isang babaeng
walang suot, nakaupo sa isang lalaking wala ring suot maliban sa ari niya. May
isa namang nakaupo sa opisina. May isang nakaupo sa toilet bowl. May isang
nakaupo sa silya elektrika. May nakaupo sa trono. May nakaupo sa wheelchair.
May nakaupo sa bangka. May nakaupo sa swing. May mga nakaupo sa isang bangko at
tumatagay. May mga taong nakaupo pa sa opisina. May mga taong nakaupo sa
pabrika.
Marami ang nakaupo
subalit wala roon ang hinahanap kong tao. Wala pa rin at wala na naman. Wala
ang taong sumambit ng bugtong na iyon. Wala si Mama. Wala ang karugtong ng
aking pusod na pinutol at itinapon katulad ko.
Matapos ng aking isang
gabi na naman ng paghahanap ay uuwi na ang mga tao, sabay-sabay silang hihiga
at dahil dito ay pakiramdam ko, may kasama ako at hindi nag-iisa.
Ano ang mas matangkad
kapag nakaupo kaysa nakatayo? Nagbalik na ako sa aking higaan subalit naroon pa
rin ang asong binubungkal ang aking lupang kinahihigaan.
Naririnig ko pa rin ang
lakad ng maraming mga tao, mga lakad na hindi ko nalakad, ang kanilang mga
hilik, mga hilik na hindi ko nahilik, ang kanilang mga salita, mga salita na
hindi ko nasalita, ang kanilang mga hininga, mga hininga na hindi ko nahinga,
mga buhay na hindi ko nabuhay dahil nabuhay ako subalit hindi naisilang.
Nakahiga na ako-- noon
pa man. Subalit alam kong lahat ay hihiga rin balang-araw-- sa aking tabi.
Balang-araw, hihiga rin sa tabi ko si nanay. Hindi ako mag-iisa. Balang-araw
baka tayong dalawa ay magkatabi na.
No comments:
Post a Comment