Monday, January 11, 2016

Rosebud

Rosebud
Huling salita ni German
bago siya nagtungo sa templo
ng Rashomon
upang itanong
kung natutulog nga ang Diyos
at upang sa wakas ay matulog,
Huwag lang sanang guluhin
ng isang asong kumakalkal ng buto

Rosebud
Kasingkahulugan ka ba
ng isang pangarap ng kamusmusan?
ng isang pangarap na sasakyan
sa taglamig at tuluyang sinunog?

Rosebud
Hinulaan ka nilang mga lumuha
subalit hindi ka nila lubusang kilala
Hindi nila matalupan ang polbos mo
at mga kulay sa mukha

Rosebud
Maging mga pantas at propesor
ay walang pagbatid sa ano o sino ka

Rosebud
ikaw ba ay isang salita
na nangangahulugan ng salitang buhay
tulad ng ginagawa
ng mga makatha at pilosopo
bilang huling salita ng hiwaga?
Vida!

Rosebud
ikaw ba ay isang kometang
dumating upang umalis
isang bituin na kapag patay na
at kapag sumabog
ay saka mas maliwanag?

Rosebud
Inatake ka sa puso
para patunayan na may puso ka

Rosebud
ikaw pala ay isang salita
na napulot lamang
at wala talagang kahulugan,
isang salita
na nangangahulugang
walang kahulugan,
isang salita
na sinabi lang niya
upang ipagtanong
at ipahayag ang kawalang-kahulugan

No comments:

Post a Comment