May limang daliri sa isang kamay na nagtatalo
sa kung sino sa kanila ang pinakamahalaga at pinakamagaling sa kanila. Namimili
sila sa mga sarili nila kung sino ang dapat maging pinuno ng mga daliring nasa
paa.
Mababa ang tingin nila sa mga daliri sa paa
dahil ang mga daliri sa paa ay madalas marumi dahil sa paglalakad at ang mga
daliri sa paa ay walang kakayahang gawin ang mga ginagawa nila gayong kapag
gumagalaw ang isa ay parang gumagalaw na rin ang lahat, hindi katulad nilang
mga daliri sa kamay na kayang gumalaw ng bawat isa.
Sabi ng hinlalaki, siya ang pinakamahalaga
dahil kitang kita naman daw na hiwalay siya sa kanyang mga kapatid. Ano raw
bang daliri ang madalas isubo ng isang bata noon o ng sinumang nag-iisip? Ano
raw bang daliri ang nangangahulugan ng ok at hindi ok? Kapag daw ba naging
kamao ang kamay, anong daliri ang naiiba ng pwesto?
Sabi naman ng hintuturo, hindi ba at sa
pangalan pa lang ay alam na ang kaya niyang gawin? Sabi pa niya, kahit naman
daw wala si hinlalaki ay siya ang madalas na gawin ng mga batang baril-barilan.
Kapag din daw nais tumuklas ng tao gamit ang mga kamay, hindi raw ba at tila
tinutusok nila ang isang bagay gamit siya? Hindi ba at siya nga ay nagsasabi
kung alin ang itaas, alin ang ibaba, alin ang kaliwa at kanan?
Nagalit naman ang gitnang daliri na pinakyu
sila. Hindi raw ba at siya ang tagabalanse sa kanilang lima dahil nasa gitna
siya?
Wika naman ng palasingsingan, hindi raw ba at
siya ang nagsusuot ng singsing madalas?
Hirit naman ng hinliit, kahit maliit siya ay
hatid niya ang simbolo ng pangako.
At nag-away nga sila. Pasaring nila ay kaya
naman daw nilang gampanan ang ginagawa ng isa. Nagkampihan pa nga sila kung
sino ang magkakasama sa iba't ibang pigurang kayang buuin ng kamay. Nagbatuhan
este nagpahiran ng putik sa isa't isa. Dinaganan nila ang isa't isa.
Nagkabuhol-buhol sila.
Tuloy ay hindi gumaling at umunlad ang kamay.
Dahil sa hindi sila nakatingin ay hindi nila
namalayan na gumagalaw ang mga paa. Nais nitong kumuha ng makakain pero dahil
nga nag-aaway sila ay hindi nahawakan ng kamay ang pagkain. Hindi ito naisubo
at namilipit sa gutom ang katawan. Hindi rin sila nagtrabaho.
Ayaw rin ng mga kamay na gamitin sila bilang
panghugas ng puwit o pangulangot. Nakakadiri raw kasi. Hindi ba at ang mga paa
raw ang dapat gumagawa ng mga nakakadiri?
Sinabi nila ito sa isa't isa na hindi man lang
iniisip na ang paa ay panay rin ang trabaho, na ang paa ang lumalakad upang
dalhin sila sa maraming lugar tulad ng pagkukunan nila ng mga pangangailangan
tulad ng pagkain.
Nagpasya ang Bathala na parusahan ang mga
pasaway na daliri sa kamay. Nagising na lamang sila na nasa mga paa na habang
ang mga daliri sa paa ay nasa kamay na.
Magkakaiba mang mga daliri ang nasa paa ay
nagkakaisa sila sa iisang galaw, iisang direksyon.
Ang mga tunay na daliri ay humahawak ng marumi
para sa malinis na paraan, nagiging malinis dahil minsan nang narumihan at
hindi iyong mga malinis pero nagtatapon ng putik at dumi sa iba, dumudura sa
baba, at hindi kailanman narumihan.
Ang mga daliri sa paa na dati ay daliri sa
kamay ay hindi nakalimot. Sila ay mga daliri na marunong tumingin sa baba, mga
daliri na marunong magkaisa, marunong mag-high five, pumalakpak, at magtrabaho.
Sila ang mga daliring pinili ng isang kamay na
may daliring may tinta.
No comments:
Post a Comment